Team Phl mahihirapan sa 3rd overall sa SEAG
Jakarta — Dahil sa inaasahang panalo ng Malaysia, Singapore at Vietnam sa ilang sports events, mahihirapan na ang Team Philippines na maangkin ang ikatlong posisyon sa overall standings ng 26th Southeast Asian Games dito.
Sinabi ni PSC chairman Richie Garcia na maaaring manalo ang mga National athletes ng 70 gold medals, doble sa naiuwi ng delegasyon sa Laos SEA Games noong 2009.
Subalit hindi pa rin ito sasapat para makuha ng Team Phl ang third place.
Ang overall championship at runner-up place ay isinuko na sa host Indonesia at nagdedepensang Thailand.
Kaya ang labanan para sa third place overall ay pag-aagawan ng Pilipinas, Malaysia, Singapore at Vietnam.
Kabuuang 545 gold medals sa 42 sports disciplines ang nakataya sa 2011 SEA Games.
Inaasahang mangunguna ang Indonesia sa canoeing (15 golds), rowing (11), wrestling (14), weightlifting (14) at archery (4) bukod pa sa kanilang home court advantage sa mga bagong sports na vovinam (16 golds), paragliding (12), sport climbing (10), bridge (9) at water ski (11).
Malakas naman ang Thailand sa athletics, fencing, men’s at women’s golf, shooting, swimming, boxing, gymnastics, snooker, sailing, lawn tennis, soft tennis at volleyball.
Sa bowling, diving, athletics, swimming, sepak takraw at cycling maaaring manalo ang Malaysia, habang kinatatakutan ang Vietnam sa football, volleyball, finswimming, chess at sa lahat ng martial arts events.
May pantapat rin ang Singapore sa Malaysia at Vietnam.
Samantala, limang gintong medalya ang pipiliting kunin ngayon ng mga Filipino canoe/kayak athletes.
- Latest
- Trending





















