Pinoy athletes handang-handa na
MANILA, Philippines - Palembang - Ang pinakamalaking kompetisyon sa Southeast Asia ay bubuksan ngayong gabi at katatampukan ito ng pagparada ng 4,000 manlalaro at opisyales mula sa 10 bansang kalahok sa bagong gawang 320-ektaryang Stadion Gelora Sriwijaya.
Ang Pangulo ng Indonesia na si Susilo Bambang Yudhoyono ay dadalo at siyang magiging panauhing pandangal sa pagtataas ng telon para opisyal na pasimulan ang 26th Southeast Asian Games na magtatagal hanggang Nobyembre 22.
Magsisimula ang pagtatanghal sa ganap na alas-7 ng gabi at patitingkarin ang seremonyang tatagal sa loob ng tatlong oras ng pagparada ng mga atleta at opisyales mula sa mga kalahok na bansa bukod pa ang pagtatanghal ng kilalang personalidad di lamang mula sa host Indonesia.
Si KC Concepcion na anak ng ‘Mega Star’ Sharon Cuneta ay makakasama nina Agnes Monica ng Indonesia at Jacklyn Victor ng Malaysia para awitin ang kantang tutukoy sa pagkakaisa ng mga kasali na “Together We Will Shine.”
Upang magkaroon ng kaayusan lalo na ang pagparada ng mga kasaling bansa ay nilimitahan ng host ng hanggang 400 ang bilang ng mga tao na puwedeng kumatawan sa kanilang delegasyon.
Si 2010 Asian Games gold medalist Rey Saludar ng boxing ang siyang mangunguna sa pambansang delegasyon bilang flag bearer at nasa likod niya ang ibang kasapi ng grupo sa pangunguna nina POC president Jose Cojuangco, Jr. at PSC chairman Ricardo Garcia.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na idaraos sa Indonesia ang SEA Games.
Taong 1979 nang unang nakapag-host ang Indonesia ng naturang biennial event bago nasundan noong 1987 at 1997.
May 44 sports at 545 events ang paglalabanan sa edisyong ito at ang mga laro ay ikinalat sa Palembang, Jakarta at West Java.
Hangad ng Pilipinas na makabangon matapos ang pang limang puwestong pagtatapos noong 2009 SEA Games sa Laos at kumbinsido ang mga sports officials na palaban ang 524 atletang dinala sa kompetisyon.
Samantala, hanggang ngayon ay problemado pa rin ang mga organizers ukol sa transportasyon at akomodasyon ng mga delegasyon.
“I’m sure everything will be sorted out and we have to give them more than a little leeway since this is the first time they are hosting an event of this magnitude,” ani deputy Chef De Mission Romeo Magat ng lawn tennis.
- Latest
- Trending

















