MANILA, Philippines - Maglalaro ang nagdedepensang Talk ‘N Text na wala si power forward Ali Peek.
Ito ay matapos mabaril ang 6-foot-4 Fil-Am sa batok mula sa isang suspek na nagtangkang pagnakawan siya sa labas ng RFM Gym sa Pioneer St., Mandaluyong City noong Lunes ng gabi.
Ang naturang suspek ay napansin na ng mga naglalaro sa RFM gym na pagala-gala bago ang pagkabaril sa maskuladong si Peek.
Ang bala ay kasalukuyan pang nakabaon sa bungo ni Peek.
Sinabi ni Tropang Texters’ head coach Chot Reyes na si Peek mismo at ang kanyang ina ang magdedesisyon kung ipapatanggal ang naturang bala o iiwanan na lamang sa kanyang bungo.
Si Peek ay nagpapagaling na sa Medical City sa Pasig.
Naglatag na si Talk ‘N Text team owner Manny V. Pangilinan ng pabuyang P500,000 para sa anumang impormasyon at pagkakahuli sa suspek.
“He’s a very strong person, but obviously these things have a way of getting to you,” wika ni Reyes sa panayam ng ANC.
“He’s in a state of what I might call semi-shock. The enormity of what happened is just starting to sink in,” dagdag pa ng mentor kay Peek.
Nakatakdang sagupain ng Tropang Texters ang Powerade Tigers ngayong alas-7:30 ng gabi sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Tangan ng Rain or Shine ang liderato sa kanilang 6-1 kartada kasunod ang Talk ‘N Text (5-1), Barako Bull (5-2), Meralco (5-3), Petron Blaze (4-3), Barangay Ginebra (3-4), B-Meg (3-4), Powerade (3-4), Alaska (1-6) at Shopinas.com (0-7).
Sa unang laro sa alas-5:15 ay magtatagpo naman ang Boosters at Clickers, naghahanap ng kanilang kauna-unahang panalo.