Souquet dinalawahan si Orcollo
MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon ay muling natalo si Dennis Orcollo kay Ralf Souquet ng Germany sa idinaos na Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face Off Series noong Sabado ng gabi sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
Pinayukod ni Souquet si Orcollo, 9-6, sa race-to-9, 10-ball affair, winner's break format.
Ibinulsa ng German cue artist ang top prize na $5,000, habang tumanggap naman si Orcollo ng $2,500.
Kaagad na kinuha ni Souquet ang 5-0 lamang hanggang makalapit si Orcollo sa 3-6 at 5-7 agwat.
Ngunit inangkin naman ni Souquet ang dalawa sa huling tatlong racks patungo sa kanyang 9-6 tagumpay.
"Luck was on my side until the end," sabi ng dating World 9-ball at 8-ball champion na si Souquet.
Nauna nang tinalo ni Souquet ang World no.1 at World 8-Ball king na si Orcollo, 8-5, sa World Pool Masters finals noong Setyember sa Maynila.
“Malas talaga,” wika ni Orcollo.
Ang susunod na makakalaban ni Souquet ay si Carlo Biado sa Nobyembre 12 sa ganap na alas-9 ng gabi.
Nakalinya ring lumaro sina Ronato Alcano kontra kay Daryl Peach ng Great Britain (Nov.19) at Francisco ‘Django’ Bustamante laban kay Peach (Nov.26).
- Latest
- Trending