Ipakita n'yo ang pagiging world class athletes

MANILA, Philippines - Naniniwalang naka­paghanda ng maayos ang Pambansang atleta, hi­na­mon ni Bise Presidente Jejomar Binay ang mga atleta na ipakita sa mga ka­tunggaling bansa na world class athletes ang atle­tang Pinoy.

Sa send-off ceremony na isinagawa sa Philsports Arena sa Pasig City noong Biyernes ng gabi, sinabi ni Binay na walang duda sa kanyang isipan na magtatagumpay ang mga ilalabang manlalaro sa iba’t ibang sports events sa 26th SEA Games sa Nobyembre.

“Lahat kayo ay nagsi­pag-ensayo sa abot ng in­yong makakaya. Alam kong handang-handa na kayo para ipakita sa inyong mga katunggali kung gaano kagaling ang atletang Pilipino. Ating patunayan sa mga katunggaling bansa na tunay na world class ang mga Pinoy,” wika ni Binay.

Ito ang unang pagkaka­taon na may mataas na opisyales ng pamahalaan ang dumalo sa send off ceremony sa bagong admi­nistrasyon.

Nakasama ni Binay si DepEd secretary Armin Luistro sa pagtitipong inor­ganisa ng POC sa pangu­nguna ng Pangulong Jose Cojuangco Jr. at PSC chair­man Ricardo Garcia at tinulungan ng AKTV.

Pero maliban sa gintong medalya na mapapanalunan, mahalaga rin ang magkaroon ng pagkakaibigan ang mga kasaling atleta sa SEAG.

“Ang SEA Games ay hindi lamang para sa pa­kikipagkumpetisyon. Isa rin itong pagtitipon na ang pinapahalagahan ang pagkakaibigan at pakikipagkapwa. Makahanap kayo ng paraan para makilala ang ibang atleta ng ibang bansa dahil kayo ang kina­ta­wan ng Sambayanang Pilipino,” dagdag pa ni Bi­nay na pangulo rin ng Philippine Badminton Association (PBA).

Ipinaalala naman ni Cojuangco sa mga magsisilahok ang kahalagahan na makapagpakita ng maganda lalo nga’t lumalaki ang interes ng mamamayan sa larangan ng palakasan.

Tinuran niya na kahit ang pamahalaan ang nagpapakita ng interes sa resulta ng kampanya sa SEAG na pormal na magbubukas sa Nobyembre 11.

Bago ang pagtatanghal ay nagkaroon muna ng misa bilang paggunita ng 1st Friday Mass na tuwina ay isineselebra ng POC.

Tampok na kaganapan din sa send-off ay ang turnover ng bandila ng bansa mula sa mga military athletes tungo kay Bise Presidente Binay na iniabot ang watawat ng Pilipinas kina SEAG Deputy Chief of Mission Julian Camacho at flag bearer Rey Saludar ng boxing.

Show comments