Isa na lang sa San Beda Red Cubs
MANILA, Philippines - Sapat na ang freethrow ni Daryl Nazareno para itakas ng San Beda ang 74-73 panalo laban sa CSB-La Salle-Greenhills sa Game Two ng 87th NCAA juniors basketball FInals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nalagay sa 15-foot line si Nazareno nang malapatan ng foul ni Mario Emmanuel Bonleon, Jr. may 8.1 segundo. Pasok ang unang buslo pero mintis ang ikalawa para magkaroon pa ng pagkataon ang Greenies na maipanalo ang laro.
Ngunit masama ang pasa ni Thomas Torres at naagaw ito ni Antonio Bonsubre para lumapit ang Red Cubs sa isang laro tungo sa paghablot ng ika-19 na titulo sa juniors division at iwanan ang Mapua na katabla nila ngayon sa paramihan ng titulong napanalunan sa bilang na tig-18.
“Kailangang manalo kami sa next game dahil magkakaroon pa sila ng momentum kung sila ang lumusot. Goal talaga namin na maibigay sa San Beda ang 19th title at paghahandaan namin ito,” wika ni Red Cubs’ coach Brit Reroma.
Ang panalo ay pambawi rin ng San Beda sa tinamong unang pagkatalo sa season sa 82-85 sa panimula ng championship series noong nakaraang linggo.
Nakuha ng Red Cubs ang panalo kahit anim sa kanilang manlalaro ay kalalabas lamang ng ospital dahil sa amoebiasis.
- Latest
- Trending