MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ng Foundation University at South Western University na mauwi sa mahinang pagtatapos ang lahok mula sa Visayas nang daigin ang UAAP teams na FEU at Adamson para sa matagumpay na pagdepensa sa beach volley title sa 16th PSC-Philippine University Games na nilalaro sa Roxas City, Capiz.
Lumabas ang husay nina Buen Singson at Glen Victolero sa huling dalawang sets para mabalewala ang pagkatalo sa first set tungo sa 19-21, 21-12, 15-9, panalo sa Tamaraws na binuo nina Rodrigo Del Rosario at Kirk Biliran.
Ang FEU ang kampeon sa UAAP men’s beach volley pero sina Arvin Avila at Karl dela Calzada na siyang nagbigay ng kampeonato ay hindi umubra para makasali sa UniGames na suportado ng Sandugo Sandals at Gatorade.
Nagbabagang laro ang ipinamalas nina Danika Yolanda Gendrauli at Princess Anne Pido dahil sa 21-13, 21-11, straight sets nila tinalo ang Lady Falcons na binuo nina Princess Listana at Marleen Cortel.
“Maganda ang kombinasyon ng players ko dahil si Danika ay malakas sa spin ball habang malakas ang bola ni Anne kaya alam kong mananalo kami uli,” wika ni SWU coach Jason Gabales.
Binawi naman ng FEU ang kabiguan sa beach volley nang kunin ang kauna-unahang titulo sa women’s football sa 2-1 panalo laban sa UST sa winning goal ni national player Alesa Dolino.
Ito ang ikaapat na titulo sa pangkalahatan ng Morayta-based university matapos pagharian ang men’s at women’s athletics at women’s chess.
Nagtagumpay din ang UE na maidepensa ang dalawang titulo sa badminton habang ang National University ay nagpasikat sa men’s tennis.
Tinalo ng Lady Warriors ang lahok ng University of St. La Salle Bacolod, 21-12, 21-6, 18-21, 21-15, 21-12, habang bumangon mula 0-2 iskor ang Warriors kontra sa Iloilo Doctor’s College tungo sa 13-21, 16-21, 21-11, 21-18, 21-9, 20-22, 21-15, sa marathon game panalo.
Sa pangunguna ni Deo Tatatayod ay nangibabaw ang Bulldogs sa La Salle sa men’s tennis habang ang Lady Archers ang kampeon sa kababaihan sa 2-0 panalo sa UST.