Lady Eagles lumilipad pa, tinalo ang Malaysia
MANILA, Philippines - Hindi nawala ang focus ng Ateneo bagkus ay tila nagsilbing hamon sa koponan na ipamalas ang angking galing upang makumpleto ang pagbangon mula 0-2 tungo sa 13-25, 22-25, 25-19, 29-27, 15-12, panalo sa Malaysia sa V-League Invitational Club Championship kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 21 attack points si Alyssa Valdez at nakipagtulungan siya kina Fille Cainglet at Dzi Gervacio para itabla ang karta sa 1-1 sa maigsing torneo na inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s Pizza.
“Ang maganda ito ay hindi sila nawala sa focus. Nagkaroon din ng mga reception errors ang kalaban at ito ang na-capitalized namin,” wika ni Lady Eagles Roger Gorayeb.
Ang panalo ay pambawi ng koponan sa 25-15, 25-16, 25-17, pakatalo sa Vietnam at manatiling palaban para sa kampeonato sa apat na araw na tagisan na suportado rin ng Accel at Mikasa.
Nalaglag ang Malaysia sa 0-2 karta at muntik na nilang matikman ang unang panalo nang lumapit sa matchpoint sa fourth set sa 26-25 iskor.
Pero malakas ang birada nina Yew Sook Ting at Jocelyn Teoh para matalo pa at magkaroon ng deciding game na dinomina ng Lady Eagles gamit ang 7-2 panimula.
May apat na blocks at 2 service aces pa si Valdez habang si Cainglet ay naghatid ng 20 puntos na lahat ay sa kills. Si Gervacio ay nag-ambag ng 14 hits at si Gretchen Ho ay may 10 points.
Nasayang naman ang tig-21 kills nina Ting at Teoh sa nalasap na ikalawang sunod na kabiguan.
- Latest
- Trending