MANILA, Philippines - Nilimitahan ng nagdedepensang San Beda ang San Sebastian sa limang puntos sa huling yugto para iuwi ang 57-55 panalo at sungkitin ang kampeonato sa 87th NCAA men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Tulad sa Game One na kanilang kinuha, 75-63, dikitan ang labanan bago bumigay ang Stags sa huling 10 minuto para mapanatili ng San Beda ang titulo sa ikalawang sunod na taon gamit ang 2-0 sweep sa best-of- three Finals series.
Napantayan din ng Lions ang Letran sa paramihan ng NCAA title sa 16 at ikalimang titulo ito ng San Beda sa anim na sunod na paglalaro sa Finals.
“I told the players to treat this game as our last in the NCAA. I’m glad they responded well to the challenge,” wika ni Lions coach Frankie Lim.
Ang bench uli ang tumulong sa panalong ito at si David Semerad ang lumutang nang magtala ng 15 puntos.
Pitong puntos ang ginawa niya sa huling yugto kasama ang isang free throw sa technical foul ni Calvin Abueva at undergoal stab para itulak ang Lions sa 57-53 may 50 segundo sa orasan.
Ang pagbaligtad ng sitwasyon ang nag-alis sa kumpiyansa sa mga Stags dahil nagsasablay ang mga mahahalagang buslo nila, kasama ang tangkang tres ni Ronald Pascual may 2.6 segundo sa orasan.
Si Anjo Caram ay mayroong 10 puntos habang si Dave Marcelo ay humablot ng 16 rebounds bukod pa sa pagdepensa kay Abueva na nalimitahan sa 12 puntos lamang.
Sa ipinakitang solidong paglalaro sa Finals, si Marcelo na nasa huling taon na ng paglalaro sa NCAA ang hinirang bilang MVP sa championship series habang si Lim ang itinalaga bilang Coach of the Year.
Si Pascual ang nanguna sa Stag sa 15 puntos, kasama ang limang tres. Pero apat rito ay ginawa sa first half para katampukan ang pagkulapso ng opensa ng tropa ni coach Topex Robinson sa huling 20 minuto ng sagupaan.
SBC 57--D. Semerad 15, Caram 10, Villahermosa 8, Amer 7, Dela Rosa 5, K. Pascual 4, Marcelo 2, Lanete 2, A. Semerad 2, J. Pascual 2.
SSC 55 - Pascual 15, Sangalang 13, Abueva 12, Miranda 5, Dela Cruz 4, Antipuesto 4, Del Rio 2, Vitug 0.
Quarterscores: 14-15, 27-32, 48-50, 57-55.