Liderato nasolo ng Blackwater

MANILA, Philippines - Nagsolo ang Blackwa­ter sa tuktok ng PBA D-League Aspirants’ Cup matapos ang 78-62 panalo sa DUB Unlimited kahapon sa San Juan Gym.

Ginamit na mabisang sandata ng Elite ang balanseng pag-atake para kunin ang ikalawang sunod na panalo at itulak ang bagitong koponan sa unang kabiguan.

Kuminang naman sa free throw line sa endgame ang Big Chill para makum­pleto ang 82-76 panalo sa beteranong Cobra Energy Drink sa ikalawang laro.

 Angat na sa siyam ang Big Chill pero nakapanakot ang Ironmen at dumikit sa 74-70, may 1:30 sa orasan nang kumunekta sa tres si Josan Nimes at umiskor sa ilalim si Andrian Santos.

May 17 puntos si Isaiah Ciriacruz habang sina Jeric Fortuna, Mark Bringas at Clark Bautista ay naghatid pa ng 14, 12 at 10 puntos.

Sa kabuuan ay 10 sa 12 manlalaro na ginamit ni Isaac sa laro ang umiskor para sa Elite.

 Kabaligtaran naman ang nakita sa DUB Unli­mited dahil ang mga beteranong sina Raymund Aguilar at Jeric Teng lamang ang lumaban sa 16 at 14 puntos para maunsiyami ang asam na magarang panimula.

Show comments