MANILA, Philippines - Ang kanilang unang panalo ang siyang pakay nina top seed Toby Gadi at No. 2 Paul Vivas sa men’s Open singles sa paghataw ng fourth leg ng P1 million VP Binay Grand Prix Badminton Open Championships-PBaRS sa Powersmash sa Makati.
Hangad naman ni Bianca Carlos na makuha ang kanyang ikaapat na korona sa women’s Under-19 side.
Makakatagpo ni Gadi, asam ang sweep, si Kevin Alcantara ngayong alas-10 ng umaga, habang makakatapat ni Vivas si Allen del Mundo sa 11:40 ng tanghali.
Sinimulan kahapon ang event na inihahandog ng MVP Sports Foundation at Robinsons Land mula sa 100 matches kasama ang Open, U-19 at U-15 men’s, women’s at boys at girls’ singles.
Kabilang sa mga nagwagi ay sina Malvinne Ann Alcala, Alizandra Candelaria , Carissa Obnial, Danica Enriquez, Diane Castro, Marie Garcia, Danica Pelegrino, Anna Alba, Grace Lim, Thaila Aguilar, Isabel Fernandez at Flo Lamigo.
Sa boys’ U-19 singles, tinalo ni Isaac Leonardo si Spencer See, 21-16, 11-21, 22-20; binigo ni Reden Cuden si Kyle Gosiaco, 21-19, 24-22; ginapi ni Isaac Orellano si Jimbo Flores, 17-21, 21-19, 21-16; at pinayukod ni Gen Fabro si Jeffrey Iquina, 21-19, 17-21, 21-11.
Samantala, lalabanan ni third seed Gabriel Magnaye sa premier class si Reden Cuden, samantalang magtatagpo naman sina No. 4 Joper Escueta at Ramon Dalo sa torneong suportado ng PLDT Smart Foundation, Robinsons Mall, Gatorade at official equipment sponsor Victor.