Cash incentives ng mga atleta ibibigay na ng PSC
MANILA, Philippines - Tatanggap ng kabuuang P4.4 milyon ang 16 atleta at coaches bilang kanilang insentibo matapos magbigay ng karangalan sa bansa sa mga malalaking kompetisyon na kanilang nilahukan sa labas ng bansa.
Mangunguna sa mga tatanggap ay sina cyclist Victor Espiritu, shooter Jose Medina, soft tennis player Josephine Paguyo at swimmer Sampang Hassan.
Tatanggap sila ng pabuya base sa R.A.9064 o mas kilala bilang National Athletes Coaches and Trainers Incentives and Benefits Act of 2001.
Ang PSC ang siyang kumuha ng datos at siyang nagkuwenta sa mga insentibong tatanggapin ng mga napiling atleta at coaches at ipinasa sa PAGCOR sa pamumuno ni chairman Cristino “Bong” Naguit.
Sina Ricardo Ancaja ng Billiards, Johnson Cheng, Nico Valderrama at Vicente Valdez ng bowling, Anthony Lopez, Wigberto Clavecilla, Pacifico Brobio, Alice Andrada, Rodolfo Feliciano, Francis Gaston ng Golf, Lope Yngayo ng Lawn Tennis, at Giovanni Mamawal ng Soft Tennis ang iba pang tatanggap ng insentibo.
Nakasaad sa batas ang gantimpalang tatanggapin ng isang atleta sa bawat ginto, pilak at bronze medal na mapapanalunan sa mga kinikilalang internasyonal na kompetisyon.
Ang mga coaches naman ay binibigyan ng 50% ng makukuhang insentibo ng isang atleta basta siya ang kinilala na nakatulong sa nakuhang tagumpay.
Ang unang batch ay ibinigay noong nakaraang Disyembre at nakasama rito sina boxing coaches Nolito “Boy” Velasco, Pat Gaspi, Gregorio Caliwan, Rey at Ricardo Fortaleza at Orlando Tacuyan na umabot sa mahigit P2.2 milyon .
- Latest
- Trending