Baste kontra Bedans sa NCAA Finals
MANILA, Philippines - Napahirapan man ay nakumpleto pa rin ng San Sebastian ang hangaring makarating sa Finals sa 87th NCAA men’s basketball nang talunin ang Letran, 63-56, sa pagtatapos ng Final Four kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual ay nagsanib sa krusyal na 6-0 bomba matapos ang huling tabla sa 55-all para ikasa ang ikatlong sunod na pagkikita ng Stags at nagdedepensang San Beda sa best-of-three championship series na sisimulan sa Lunes sa Araneta Coliseum.
“Isa lang ang sinabi ko sa kanila na magtiwala lang sa isa’t-isa at sa sistema. Masaya ako dahil struggling kami sa mga huling mga laro pero naipanalo itong mahalagang laban,” wika ni Stags rookie coach Topex Robinson.
Si Abueva ay mayroong 20 puntos at 18 rebounds para sa kanyang ika-18 double double sa taon habang 15 puntos at 12 rebounds ang hatid ni Sangalang.
Bumawi naman si Pascual sa mahinang 8 puntos sa tinamong 70-62 kabiguan sa unang tagisan noong Lunes, sa tinapos na 11 puntos.
Ang kanyang drive laban sa depensa ni Kevin Racal ang bumasak sa huling tabla, 57-55, at nagbigay ng kumpiyansa uli sa Stags.
Inilaban ng todo ni Kevin Alas ang Knights nang gumawa ito ng 26 puntos, kasama ang limang tres, bukod pa sa 4 rebounds, 3 blocks at 2 steals.
Tatlong sunod na tres ang pinakawalan ng kamador ng Letran upang tabunan ang 45-55 iskor at mauwi sa tabla ang laban may 4:31 sa orasan.
Ngunit inilabas ng Stags ang championship poise at sinandalan ang kanilang depensa upang tanging si Alas lamang ang nakaiskor pa para sa Knights sa pamamagitan ng split sa 15-foot line.
Sinorpresa naman ng CSB-La Salle Greenhills ang second seed Letran Squires nang patalsikin nila ito, 101-91, sa ikalawang laro sa step-ladder semifinals sa juniors division.
SSC-R 63--Abueva 20, Sangalang 15, Pascual 11, Dela Cruz 9, Antipuesto 3, Del Rio 2, Vitug 2, Miranda 1.
Letran 56--Alas K. 26, Cruz 11, Cortes 8, Alas J. 4, Racal 3, Belorio 2, Dysam 2.
Quarterscores: 17-16; 34-28; 50-41; 63-56.
- Latest
- Trending