MANILA, Philippines - Mahihirapan man siya sa labanan para sa Most Valuable Player sa 87th NCAA men’s basketball, napatunayan naman ni Garvo Lanete na isa siya sa mga mahuhusay na manlalaro sa liga lalo na sa naunang double round eliminasyon.
Sa pang apat na pagkakataon ay si Lanete ang siyang pinarangalan mga mamamahayag na kumokober ng liga bilang ACCEL/316 NCAA Press Corps Player of the Week na handog din ng Gatorade matapos igiya ang San Beda sa dalawang matitinding panalo laban sa karibal na San Sebastian.
Humirit ang Red Lions ng 91-70 at 99-95 panalo sa dalawang sunod na pakikipagtagisan sa Stags at si Lanete ang kanilang naging puwersa sa ibinigay na 22 puntos average sa dalawang tagisan.
Sa playoff tunay na lumabas ang husay ni Lanete dahil 27 ang kanyang kinamada at 11 rito ay ibinagsak sa huling yugto.
Si Rome Dela Rosa ay gumana rin sa 17 puntos at 10 rito ay sa huling yugto pero si Lanete pa rin ang nagbida nang ipasok ang ikalima at huling tres na tuluyang nagbigay ng kalamangan sa SBC, 87-85.
“Another big game from Garvo. He had a silent 27 points and nailed the huge three pointer,” wika ni Lions coach Frankie Lim.
Si Lanete na pinarangalan din ng nasabing citation noon nakaraang linggo kasama ang kakamping si Fil-Australian Anthony Semerad ang lumabas na manlalarong may pinakamaraming POW sa taong ito.
Ang MVP ng liga ay sinasabing hawak na ni Calvin Abueva ng Stags dahil sa stats ito kinukuha pero hindi maiaalis ang makinang na paglalaro ni Lanete dala ng pagkilala ng kahusayan nito mula sa mga mamamahayag.