MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng soft tennis ay mapapasama ang sport sa 26th Southeast Asian Games (SEAG) sa Indonesia.
Ang racket sport na ito ay inihanay sa mga sports na nasa category II at gagawin sa Palembang, Indonesia gamit ang bagong gawang Jakabaring Tennis Center mula Nobyembre 17 hanggang 21.
Tiyak na makikinabang ang Pilipinas sa pangyayaring ito dahil ang mga soft tennis team players ay kinikilala bilang isa sa mahuhusay sa rehiyon.
Nasa ikalimang puwesto sa rangking ang men at women teams sa Asia at kasalo ang Indonesia sa pagiging number one sa Southeast Asia nang manalo ng tig-tatlong ginto sa 2011 Southeast Asian Soft Tennis Federation (SEASTF) Open sa Laos.
Ipanlalaban ng Philippine Soft Tennis Association (PSTA) pinangungunahan ni Col. Jeff Tamayo sa Palembang sina Sonny Noguit, Joseph at Jhomar Arcilla, Mikoff Manduriao, Jopy Mamawal, Divine Escala, Cheryl Macasera, Deena Rose Cruz, Bien Zoleta at Josephine Paguio.
Bilang bahagi ng paghahanda para sa regional games, ang Pambansang koponan ay ilalaban muna sa Palembang test event mula Oktubre 14 hanggang 16 at sa World Championships mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 3 sa Mungyeong, Korea.
Ang soft tennis ay ipinakilala sa bansa noong 1993 ni Dr/Col. Antonio Laperal Tamayo na siya ring iniupo bilang president emeritus ng PSTA.
Tatayong coach ng Pambansang koponan si Michael Enriquez habang si Frank Gusi na sports director ng San Sebastian ang uupo bilang team manager dahil sa pagtutulungan ng NCAA at PSTA sa pagpapalawig ng sport sa bansa.
Si Jovy Mamawal ang itinalaga ng Asian Soft Tennis Federation bilang Technical Delegate.