Padilla wala pa ring kupas ang pulso; Valdez agaw eksena sa Nat'l Open shootfest

MANILA, Philippines - Hari pa rin si Nathaniel “Tac” Padilla sa paboritong center fire pistol habang bumangon ang batang si Jayson Gonzales sa pag­katalo nang manalo sa 50-m rifle prone na idi­naos nitong Linggo sa 2011 PNSA National Open Championships sa Philippine Sports Commission-Philippine National Shoo-ting Association Shooting Range sa Fort Bonifacio.

Kinulang man sa prepa­rasyon matapos dumating lamang ng bansa nitong Biyernes makaraang samahan ang ama at Olympian na si Tom Ong sa Si­ngapore upang magpa­tingin, inilabas pa rin ni Tac ang pormang nagbigay ng limang SEA Games gold medals.

May naitalang 563 puntos ang 47-anyos na si Pa­dilla sa paboritong event para talunin ang matagal na niyang karibal na si Ro­bert Gonalvo na mayroon lamang 551 puntos.

Pumangatlo si Patrick Chuasoto sa kanyang 546 at apat na puntos lamang ang kanyang inilayo sa pu­mang-apat na kapatid ni Tac na si Donald sa kompetisyong handog ng Harbour Centre at AirAsia.

“I struggled early because I arrived only last Fri­day. It was a tough but exciting match,” wika ni Pa­dilla na lalahok sa 26th SEA Games sa Nobyembre para sa kanyang ika-17 pagsali sa regional games.

“I have a lot of catching up to do in terms of preparation. We have to prepare very hard for the coming SEA Games,” dagdag pa ni Padilla na kampeon sa center fire sa 2009 Laos SEAG.

Binawian naman ng 15-anyos na si Valdez ang beteranong si Mae Concepcion nang talunin niya ito sa prone rifle event.

Tumapos sina Valdez at Concepcion tangan ang iisang 576 puntos ngunit nasungkit ng batang shoo­ter ang ginto dahil sa mas magandang final round score na 96 laban sa 93 lamang ng huli.

Naunang nanaig si Concepcion kay Valdez sa 10-m air rifle event nang manalo ito tangan ang isang puntos, 584-583, na nangyari dalawang linggo na ang nakalipas.

Nagpasikat din sa apat na linggong torneo na inorganisa ni PNSA president Dr. Mikee Romero sina Franes Nicole Medina, Shanin Gonzales, Carolino Gonzales at Ronald Donalvo.

Sinandalan ni Medina ang perfect scores sa ikalima at anim na rounds tungo sa 579 puntos at inangatan ng apat na puntos (575) ang SEA Shoo­ting Championships silver medalist Therese Gutierez.

Kampeon naman si Gonzales sa women’s 25m Rapid Fire Pistol, si Gonzales ay nanguna sa men’s 50m Pistol habang sa men’s 25m Rapid Fire pistol naghari si Donalvo.

Show comments