EAC sumabog sa JRU
MANILA, Philippines - Kinailangan ng Jose Rizal University ng malakas na laro sa ikatlong yugto upang mapawi ang mahinang ipinakita sa first half tungo sa 90-77 panalo sa Emilio Aguinaldo College sa 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Umiskor ng 30 puntos ang Heavy Bombers sa ikatlong yugto habang ang depensa ay naglimita sa Generals sa dalawang free throws lamang sa unang anim na minuto para makaratsada at mahawakan ang 62-56 kalamangan sa pagpasok ng huling yugto.
Huling dikit ng Generals ay sa 64-62, ngunit nagpasabog ng 18-3 bomba ang Bombers para tiyakin na ang panalo sa 82-65 kalamangan.
“Sinermonan ko sila sa dugout. Sinabi ko sa kanila gusto kong manalo. Kailangan namin ito para magkaroon ng momentum papunta sa Final Four,” wika ni JRU coach Vergel Meneses na tinapos ang double round eliminasyon tangan ang 9-9 karta.
Ito ang unang pagkakataon na nakaabot ang Bombers sa .500 marka at nangyari ito dahil sa anim na sunod na panalo upang mabalewala ang masamang 3-9 baraha.
Si John Lopez ay mayroong 17 puntos bukod pa sa 5 rebounds, 5 asists at tig-isang steal at blocks pero gaya sa mga winning run ng koponan ay may magandang suporta ang ibang manlalaro.
Si Milan Vargas ay mayroong 20 puntos, si Jamon ay naghatid ng 16 at si Jolas Paguia ay mayroong 15 puntos at 7 rebounds para sa EAC na tumapos sa huling puwesto sa 10 koponang kalahok sa 4-14 baraha.
Samantala, nangibabaw naman sa overtime ang guest team Lyceum laban sa St Benilde, 94-89, upang wakasan ang kampanya sa 7-11 karta.
Kapantay ng Pirates ang Mapua sa baraha pero ang Cardinals ang tatapos sa ikalimang puwesto at nasa pang-anim ang Lyceum.
- Latest
- Trending