Nietes Bagong World Light Fly Champion

MANILA, Philippines - Isama na si Donnie `Ahas’ Nietes sa grupo ng mga multi-titled Filipino bo­xers na kagaya nina Manny Pacquiao, Luisito Espinosa, mag­kapatid na Dodie Boy at Gerry Peñalosa, Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.

Ito ay matapos talunin ni Nietes si Ramon Hira­les Garcia via unanimous de­­cision para agawin sa Me­­xican ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) light flyweight title noong Sabado ng gabi sa St. La Salle Coliseum sa Ba­colod City.

Ang 29-anyos na tubong Murcis, Negros Occidental ay dating kampeon ng WBO minimumweight di­vision.

Naging agresibo si Nie­tes mula sa opening bell bago maikonekta ang isang uppercut na nagpauga kay Garcia.

Bumawi naman si Garcia nang magpaulan ng mga left straight at combi­nations sa round seven hanggang magkauntugan sil­a ni Nietes sa round ten na nagresulta sa putok sa ka­liwang mata ng Pinoy.

 Sa kabila nito, hindi pa rin nawala ang porma ni Nie­tes patungo sa kanyang pa­nalo kay Garcia.

Tumanggap si Nietes ng 115-113 kay Filipino judge Danrex Tapdasan, 118-110 kay Liza Giampa ng Nevada at 117-111 kay Carlos Ortiz, Jr. ng New York laban sa 29-anyos ring si Garcia.

Itinaas ni Nietes ang kan­yang win-loss-draw ring record sa 29-1-3 kasama ang 16 KOs kumpara sa 16-2-1 (9 KOs) card ni Garcia.

Humingi naman ng rematch ang kampo ni Garcia.

“We want a rematch,” sabi ni trainer Leo Camacho. “With those kinds of judges, we will never have a chance of winning.”

Naidepensa ni AJ `Bazooka’ Banal (26-1-1, 19 KOs) ang kanyang WBO Asia-Pacific bantamweight title mula sa isang unanimous decision win kay Mario Briones (20-1-1, 14 KOs) ng Mexico.

Show comments