Orcollo pinigil si Cuartero

MANILA, Philippines - Umabante sa semifinals sa National Pool Championship 9-ball si Dennis Orcollo nang talunin ang mainit na si Allan Cuartero, 9-5, sa quarterfinals na nilaro nitong Biyernes sa Star Billiards Center sa Quezon City.

Tatlong sunod na racks ang kinuha ni Orcollo upang alisan ng tikas si Cuartero sa hinawakang 8-4 kalamangan.

 Ang panalo ay nagtulak kay Orcollo, ang World 8-ball champion at WPA number one ranked player sa Final Four habang si Cuartero na nagtala ng walong sunod na panalo na nagsimula sa 8-ball mula pa noong Lunes, ay nalaglag sa loser’s bracket.

“Unti-unti ko nang nararamdaman na bumabalik na ang dati kong tumbok,” wika ni Orcollo.

Makakalaban ni Cuartero, na nasa finals sa 8-ball, ang mananalo sa pagitan nina Dodong Andam at Carlo Biado para manatiling buhay ang hangaring kampeonato sa 9-ball.

Umabante rin sa Final Four si Jerico Banares nang magtala ng limang sunod na tagumpay kasama ang 9-1 pangingibabaw laban kay Roberto Gomez.         

Sina Renemar David at Edgi Geronimo ay nanalo rin sa loser’s bracket para manatiling nasa kontensyon.

Tinalo ni David si Rene Cruz, 9-6, habang 9-8 tagum­pay naman ang kinuha ni Geronimo kay Arvi Tanega.

Show comments