MANILA, Philippines - Bigo man sa labanan ay lalaro pa rin sa London Olympics ang 18-anyos na si Mark Anthony Barriga.
Nakuha ng Pilipinas ang unang boksingero na nakatiyak ng puwesto sa 2012 Olympics matapos palarin ang Beijing Olympics gold medalist Zhou Shiming na nakapasok sa Finals sa light flyweight division sa idinadaos na 2011 AIBA World Boxing Championships sa Baku, Azerbaijan.
Tinalo ni Shiming, kampeon din sa dibisyon noong 2005 at 2007 World Championships si David Ayrapetyan ng Russia, 15-8, sa semifinals para pumasok sa gold medal bout.
Ang mga boksingerong umabante sa quarterfinals sa weight classes maliban sa heavyweight at super heavyweight ay awtomatikong may puwesto na sa London Olympics.
Pero dahil 10 boksingero ang aabante sa mga lower weights, ang mga boksingerong tinalo ng mga nasa Finals sa third round ay mabibigyan din ng puwesto sa London Games.
Si Barriga na unang nanalo kay Stefan Caslarov ng Romania, 12-5, at kay Patrick Barnes ng Ireland, 20-12, ay yumukod kay Zhou, 12-5, sa tagisan para sa quarterfinals.
Tanging si Barriga lamang ang pinalad dahil kailangang sumalang pa ni Guangzhou Asian Games gold medalist Rey Saludar sa flyweight sa ikalawa at huling Olympic qualifying sa susunod na taon nang matalo si two-time Olympian Rau’shee Warren ng USA kay Misha Aloyan ng Russia, 13-17.
Si Warren ay unang humirit ng 22-12 panalo sa 23-anyos na si Saludar sa third round.
Ang ikalawa at huling Olympic qualifying event ay itinakda sa April 1 hanggang 8 sa Kazakhstan at bukas lamang sa Asian countries pero ang mga finalists ng bawat dibisyon lamang ang aabante sa London.
Sa pagkausad ni Barriga sa London ay napantayan ng Pilipinas ang isang manlalaro na naipasok din ng karibal na Thailand nang si Kaew Pongprayoon ay umabante matapos makapasok sa semifinals sa light flyweight division gamit ang 23-8 tagumpay kay Salman Alizade ng Azerbaijan.
Nalaglag na rin sa laban sa gold medal si Pongprayoon nang mabigo kay Zhou sa 14-8 iskor.