Hind madali ang trabaho ni Cone
Malaking letdown para sa B-Meg Llamados ang nangyaring pagkatalo nila sa Petron Blaze Boosters, 69-73, sa kanilang unang laro sa 2011-2012 PBA Philippine Cup noong Miyerkules sa Cuneta Astrodome.
Kasi nga, ang Llamados ang itinuturing na pinakamalakas na team sa torneo at sinasabing malamang na sumipa sa defending champion Talk ‘N Text mula sa kanilang trono.
Kumpleto na kasi ang B-Meg at nagbalik na ang mga dating injured players na sina Kerby Raymundo, Rico Maierhofer at Rafi Reavis.
Eh, hindi nga ba’t noong nakaraang season ay hindi napakinabangan ng B-Meg ang tatlong ito sa kabuuan ng tatlong conferences. Eh, sinasabi nga ng karamihan na kung kumpleto lang ang B-Meg, baka hindi nadomina ng Talk ‘N Text ang season.
Kaya nga kahit paano ay nakakaawa din si coach Jorge Gallent na humalili kay Paul Ryan Gregorio matapos na lumipat ito sa Meralco Bolts. Kasi nga, ang minanang koponan ni Gallent ay hindi kumpleto. So, hindi puwedeng ikumpara sina Gallent at Gregorio.
Napagkampeon ni Gregorio ang B-Meg (dating Purefoods Tender Juicy Giants) sa 2009 Philippine Cup sa pamamagitan ng 4-0 sweep kontra Alaska Milk. Pero hindi nagawa ni Gallent na igiya sa Finals ang Llamados upang maidepensa ang kanilang korona.
Kasi nga, kulang ang kanyang materyales.
May nagsasabi nga na parang unfair daw ang pagkakatanggal kay Gallent bilang head coach ng Llamados. Dapat daw sana’y nabigyan siya ng pagkakataon na hawakan ang kumpletong team. At kumalto siya, saka siya palitan.
Pero nangyari na ang nangyari. Si Gallent ay hinalinhan ng multi-titled na si Tim Cone na lumisan buhat sa Alaska na hinawakan niya ng 22 taon. Si Gallent ay isa sa mga assistant coaches ng Petron ngayon.
So, parang kahit paano’y nakaganti si Gallent ng silatin ng Petron ang B-Meg at si Cone.
Pero baka naman daw hindi pa kapadong mabuti ni Cone ang kanyang bagong koponan. Kasi nga, ini-introduce pa lang naman niya sa Llamados ang kanyang sistema na kinatatampukan ng triangle offense. Baka hindi pa nila nape-perfect ang execution nito. Kahit paano’y matagal na proseso iyan. Pero kapag nagamayan na ng Llamados, tuluy-tuloy na.
Kaya lang naaalala ko ang sinabi ni dating PBA chairman Rene Pardo na siyang representative ng B-Meg sa PBA Board of Governors. Ani Pardo, “kahit na hindi pa makuha ang triangle, sa talent lang ay puwede ng daanin ang laban.”
Na siyang ine-expect ng karamihan. Kasi hindi lang naman ‘yung tatlong dating injured players ang inaasahan ni Cone. Nandiyan pa naman sina Joe Calvin Devance, Marc Pingris, Peter June Simon at two-time Most Valuable Player James Yap.
Ang lalim talaga ng bench ng B-Meg at nakakainggit. Sa kabilang dako, kulang pa rin ang Petron dahil wala sina Jay Washington, Rabeh Al-Hussaini at Lordy Tugade. Pero nagwagi ang Boosters.
Malaking kredito ito para kay coach Renato Agustin. O, baka kabisado na talaga ni Ato ang team niya at nangangapa pa nga si Cone?
Anu’t anuman, malaking eye opener ang pagkatalong ito para kay Cone.
Ibig sabihin, kahit na malalim ang kanyang bench, napakarami pa rin niyang dapat gawin upang igiya sa kampeonato ang Llamados!
- Latest
- Trending