Nietes hahamunin si Garcia
MANILA, Philippines - Hangad makahanay ang mga multi-titled na sina Manny Pacquiao, Nonito Donaire Jr., Gerry Peñalosa, Dodie Boy Peñalosa at Brian Viloria, pupuntiryahin ni Donnie ‘Ahas’ Nietes ang kanyang ikalawang world boxing title.
Ito ay sa pamamagitan ng paghahamon ni Nietes kay Mexican world light flyweight champion Ramon Garcia ngayon sa University of St. La Salle gym sa Bacolod City.
Idedepensa ni Garcia ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) light flyweight crown sa unang pagkakataon kontra kay Nietes .
“Gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para manalo. Kung may makikita akong pagkakataon para ma-knockout siya, kukunin ko kaagad,” ani Nietes laban kay Garcia.
Dala ng 29-anyos na si Nietes ang 28-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 16 KOs, habang hawak ng 29-anyos ring si Garcia ang 16-2-0 (9 KOs) card.
Dating hari sa WBO minimumweight division ng tubong Murcia, Negros Occidental na si Nietes simula 2007 hanggang 2010.
Isinuko ni Nietes ang nasabing titulo para targetin ang WBO light flyweight belt ni Garcia.
“I came well prepared. I trained for several months. The chance of a knockout is always there,” wika ni Garcia, ang kakambal na si Raul ang bagong WBO minimumweight champion.
Nakamit ni Garcia ang titulo nang pabagsakin si Jesus Geles sa fourth round noong Abril.
Sa main undercard, itataya ni AJ `Bazooka’ Banal (25-1-1, 19 KOs) ang kanyang WBO Asia-Pacific bantamweight title laban kay Mexican Mario Macias (20-0-1, 14 KOs).
“Kung mapapabagsak ko siya ng mas maaga, mas maganda,” wika ni Banal kay Macias.
- Latest
- Trending