MANILA, Philippines - Bagamat hindi pa nakukuha ang serbisyo ng mga injured na sina Jay Washington, Rabeh Al-Hussaini at Dondon Hontiveros, dumiretso pa rin ang Boosters sa pagkopo sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Sinandigan sina Alex Cabagnot, Arwind Santos, Carlo Sharma at rookie Fil-Am Chris Lutz sa third period, pinayukod ng Petron Blaze ang Barako Bull, 95-83, sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup kahapon sa Yñares Center sa Antipolo City.
May 2-0 rekord ngayon ang Boosters, nanggaling sa 73-69 paggiba sa B-Meg Llamados noong Miyerkules.
“It was a total team effort. Kitang-kita naman dahil limang players ang naka-double figures sa amin,” ani coach Ato Agustin sa kanyang Boosters na naglunsad ng isang 15-1 atake sa third period.
Tumapos si Cabagnot na may 22 points para sa Petron, ang kampeon sa nakaraang 2011 PBA Governors Cup, kasunod ang 19 ni Santos, 17 ni Lutz, 15 ni Sharma at 11 ni two-time PBA Most Valuable Player Danny Ildefonso.
Pinangunahan ni Mick Pennisi ang Barako Bull, dating Air21, sa kanyang 16 markers, habang nagdagdag ng 15 si rookie Allein Maliksi at 11 si Sunday Salvacion.
Kasalukuyan pang naglalaban ang Talk ‘N Text, naghari sa nakaraang PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup, at ang sister team na Meralco habang isinusulat ito.
Samantala, nakatakdang magpulong ang PBA at ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa komposisyon ng susunod na national team.