MANILA, Philippines - Tinapos na ng Jose Rizal University ang kampanya ng Mapua sa 87th NCAA men’s basketball gamit ang 78-64 panalo kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Hindi naapektuhan ng 10 araw na bakasyon ang magandang ball movement at team work ng Heavy Bombers upang dominahin nila ang Cardinals mula sa simula hanggang matapos ang laro at patalsikin ang katunggali sa kabuuang 7-11 karta sa double round elimination.
Umangat naman ang Bombers sa 8-9 karta at nakatiyak na ng playoff para sa ikaapat at huling puwesto na aabante sa Final Four.
Pero diretso na abante ang JRU sa semifinals kung matalo ang Lyceum sa kanilang laro kontra sa San Sebastian o manalo ang Bombers sa huling laban kontra sa Emilio Aguinaldo College.
Apat na Bombers ang umiskor ng mahigit na 12 puntos at isa sa malaking diperensya sa kanilang laro kontra sa Cardinals ay ang kanilang 17 assists laban sa mahinang 8 lamang ng kalaban.
Si Allan Mangahas ay nagtala ng 22 puntos upang pangunahan ang lahat ng scorers pero ininda ng Mapua ang disciplinary action ng koponan laban kay 6’7 Yousef Taha para mawalan ng puwersa sa ilalim.
Dumikit naman ang Letran sa nagdedepensang San Beda sa kalahating larong agwat nang mangibabaw sa St. Benilde, 72-60, sa unang bakbakan.
Ang panalo ng Knights ay nangyari matapos pahintuin ang 15-game winning streak ng San Sebastian noong Biyernes gamit ang 82-81 overtime, at ang 2-game winning streak ay magpapataas sa morale ng koponan sa pagbangga nila sa Lions sa kanilang huling laro sa Biyernes.