Suarez minalas sa mga hurado

BAKU, Ajerbaijan - Ang tatlong boksingero na unang naghatid ng mga panalo ang siya ngayong aasahan na ipagpatuloy ang laban ng Pilipinas sa 2011 AIBA World Boxing Championships dito.

Nasama na rin sa maagang mamamahinga sa anim na boksingerong inilahok ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) si Charly Suarez matapos ang kuwestiyonableng 11-13 kabiguan kay Luiz Porozo ng Ecuador sa lightweight bout.

Sa first round pa lamang ay tila may magaganap na di pabor kay Suarez nang ideklara ng referee na nadulas lamang si Porozo matapos bumuwal mula sa suntok ng Filipino boxer.

Masama pa ay nabigyan si Porozo ng 4-3 kalamangan matapos ang first round ngunit pinawi ito ni Suarez nang itabla ang iskor sa second round sa 8-8.

Ngunit sadyang mailap ang suwerte ni Suarez sa limang hurado dahil nanalo sa kanilang paningin ang Ecuadorian upang umabante sa second round.

Nauna nang nalagas sina Delfin Boholst at Rolando Tacuyan sa kanilang unang laban sa light-welterweight at welterweight divisions.

Show comments