Parks Jr. MVP; Ravena ROY
MANILA, Philippines - Binawi ng pagkakahirang bilang Most Valuable Player ng 74th UAAP men’s basketball ang lahat ng hirap na pinagdaanan ni Bobby Ray Parks Jr. para mapabilang sa National University.
Matatandaan na bago ang season ay nakuwestiyon pa ang citizenship ni Parks at kinailangang magpalabas pa ng birth certificate ang kanyang ina para makuha ang basbas ng UAAP board at makalaro siya sa National University.
Hindi rin naging maganda ang simula ng koponan at kahit unti-unting nakuha ng team ang istilo ng laro ay kinapos pa rin sa laban sa Final Four nang nagtapos sa pang-apat na puwesto
“Naniniwala naman ako kay God. Maraming adversity na nangyari this season but that’s part ng obstacle. I mean definitely it’s a blessing and I’m thankful,” wika ni Parks matapos tanggapin ang MVP award sa seremonyang ginawa bago ang Game Two ng Finals sa Araneta Coliseum.
Kumbinsido si Parks na simula na ito ng magandang kapalaran sa NU lalo nga’t sa susunod na taon ay host ang nasabing paaralan.
Matapos ang UAAP ay dadalhin naman ni Parks ang kanyang talento sa Pambansang koponan na maglalaro sa SEA Games sa Indonesia.
Nakasama naman ni Parks sa Mythical team sina Kiefer Ravena at Greg Slaughter ng Ateneo, Alex Nuyles ng Adamson at Aldrech Ramos ng FEU.
Si Ravena rin ay hinirang bilang Rookie of the Year.
Hataw naman ang dating MVP na si RR Garcia ng FEU nang hirangin bilang PSBank Maaasahang Player of the Year at Jollibee Champ of the Season para kubrahin din ang P75,000 at P40,000 premyo.
Ang UP guard na si Jet Manuel naman ang lumabas bilang Appeton Most Improved Player para bitbitin din ang P20,000 gantimpala. Angeline Tan
- Latest
- Trending