Referee sa laban nina Nietes, Hirales pinalitan
MANILA, Philippines - Pinalitan na si Joe Cortez, tinuligsa sa palpak na pamamahala sa nakaraang laban nina Floyd Mayweather, Jr. at Victor Ortiz, bilang referee sa darating na laban ni Donnie Nietes kay Mexican Ramon Garcia Hirales.
Ikinainis ng mga Pinoy fight fans ang naunang pagpili kay Cortez ni WBO president Francisco “Paco” Valcarcel para sa WBO lightflyweight bout nina Nietes at Hirales sa Oktubre 8 sa Bacolod City.
Sa pagpapalit kay Cortez, hinugot ng WBO si veteran referee Robert Byrd.
Si Cortez ang humawak sa banggaan nina Mayweather at Ortiz dalawang linggo na ang nakakaraan kung saan nanalo si Mayweather via fourth-round KO.
Naging kontrobersyal ang naturang tagumpay ni Mayweather dahil sa biglaan nitong pagsuntok kay Ortiz sa pagtalikod ni Cortez matapos ang break bunga ng ginawang headbutt ng Ortiz.
Sinabi ni Cortez na sinabi niya kina Mayweather at Ortiz na ituloy ang kanilang laban, habang ayon naman sa mga ring experts ay hindi nila ito nakita.
Dalawang suntok ang pinakawalan ni Mayweather sa walang laban na si Ortiz upang agawin sa huli ang suot nitong WBC welterweight crown.
Samantala, hangad naman ni Nietes, ang dating world minimumweight champion, na masilo ang kanyang ikalawang world championship laban kay Hirales.
Sa susunod na linggo pa sana nakatakdang dumating ang 29-anyos na Mexican ngunit maaga itong bumiyahe.
- Latest
- Trending