Baku, Azerbaijan - Ginamit ng nagbabalik na si Joan Tipon ng Bacolod ang kanyang eksperyensa para talunin ang counter-puncher na si Alberto Melian ng Argentina para sa 3-0 rekord ng PLDT-ABAP National Boxing team sa AIBA World Boxing Championships dito.
Nauna nang sumuntok ng panalo sina Mark Anthony Barriga at Rey Saludar.
Isang six-man national team ang inilahok ng ABAP sa naturang main qualifier para sa 2012 London Olympics na nagtatampok sa 570 boxers galing sa 130 countries.
Ang tatlong panalo ang titiyak sa isang boxer ng tiket para sa 2012 London Olympics.
Nagbabalik si Tipon, kumuha ng gold medal sa 2006 Asian Games sa Doha, Qatar, matapos ang isang taon na pagpapagaling sa kanyang shoulder injury.
Isang silver medal ang naiuwi ni Tipon mula sa Sydney Jackson Memorial Tournament sa Tashkent, Uzbekistan, habang nasibak naman siya sa second round ng Asian Men’s Championship sa Incheon, South Korea.
Humawak ng 3-2 lamang sa first round, nagtabla sa 6-6 ang iskor nina Tipon at Melian sa second round.
Nakipagsabayan si Tipon sa Argentinian sa third round patungo sa kanyang pagsama kina Barriga at Saludar sa second round.