Tapyas budget sa mga NSAs na 'di epektibo sa SEAG - Garcia
MANILA, Philippines - Ang ipapakita ng bawat National Sports Assocation (NSA)s sa darating na 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre ang magiging basehan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pagbibigay ng pondo para sa 2012.
Ito ang paalala ni PSC chairman Richie Garcia sa mga NSAs na lalahok sa naturang biennial event.
“Akala ng mga NSAs ay nagbibiro ako dito. Kung pagpunta natin sa Southeast Asian Games ay talagang walang ipinakita itong mga NSAs, siguro mag-isip na sila kasi talagang babawasan namin ‘yung budget nila next year.”
Umabot na sa 430 national athletes ang nakasama sa isinumiteng entry by names ng POC sa Indonesia SEAG Organizing Committee (INSOC).
Magmula nang maging overall champion noong 2005 sa nakolektang 113 gold, 84 silver at 94 bronze medals, nahulog ang katayuan ng Team Philippines sa SEA Games sa No. 5 (38-35-51) sa Laos noong 2009 at No. 6 (41-91-96) sa Thailand noong 2007.
Sinabi ni Garcia na matagal na niyang sinabihan ang mga NSAs na magpakita ng maganda sa 2011 SEA Games para patuloy silang makatanggap ng sapat na suporta mula sa PSC sa susunod na taon.
“They have been warned many, many times to even reconsider participating. Kasi kung ako naman ang presidente ng isang NSA at talagang hindi mananalo ang atleta ko, hindi ko na siya ipapadala,” ani Garcia.
Pondong P30 milyon ang inilaan ng PSC para sa delegasyong ipapadala sa 2011 SEA Games na idaraos sa Palembang at Jakarta, Indonesia.
- Latest
- Trending