MANILA, Philippines - Pinadapa ng Defending champion Japan ang RP Blu Girls, 5-1, sa pagtatapos ng elimination round ng 10th Asian Women”s Softball Championship sa Ciaoguang field sa Nantou, Taiwan.
Sa likod ng pamamayagpag ni World no. 1 pitcher Yotiko Ueno para sa reigning Olympic champion, inangkin ng Japanese ang top spot sa Pool A mula sa kanilang 6-0 win-loss record.
Sa kabila ng kabiguan, nasambot pa rin ng mga Filipinas ang ikaapat at huling silya sa quarterfinal round ng two-group, 13-team field.
Tumapos ang Blu Girls ang eliminasyon bitbit ang 4-4 card sa ilalim ng Japan, South Koreans (5-1) at North Koreans (4-2) at nakatakdang labanan ang Singapore sa crossover knockout page-system quarterfinal round na nakatakda kahapon na magdetetermina sa Final Four.
Ang Singaporeans (3-2) ang naging ikatlong qualifier sa Pool B kasama ang No. 1 team China (5-0), host Chinese Taipei (4-1) at Indonesia (1-2).
Hindi inilaro ang softball sa 2009 SEA Games sa Laos dahilan sa kawalan ng playing venue kagaya ng basketball event.
Nakatakdang labanan ng mga Japanese, runner up sa United States sa nakaraang world championship, ang Taiwanese, habang haharapin ng Chinese ang South Koreans at sasagupain ng North Koreans ang Indonesians.
“Kailangan manalo tayo sa Singapore para makapasok sa semifinal round at magkaroon ng tsansa na lumaban kahit sa third place,” sabi ni Blu Girls’ Coach Ana Santiago.