Eagles pinapaboran sa game 1 vs tamaraws ngayon
MANILA, Philippines - Magsisimula ngayon ang klasikong tagisan sa pagitan ng Ateneo at FEU para sa 74th UAAP men’s basketball title sa Araneta Coliseum.
Ganap na alas-3 ng hapon itinakda ang panimulang aksyon sa best-of-three championship series sa pagitan ng Eagles at Tamaraws na siya ring nagtagisan sa kampeonato noong nakaraang taon.
Nangibabaw ang tropa ni coach Norman Black sa tropa na dating hawak ni coach Glenn Capacio sa pamamagitan ng 2-0 sweep upang mahablot ang ikatlong sunod na kampeonato sa liga.
Paborito ngayon ang Eagles dahil sa paglakas ng kanilang puwersa dala ng pagdating ng 7-footer na si Greg Slaughter at ang mahusay na guard na si Kiefer Ravena upang isama sa mga beteranong sina Nico Salva, Emman Monfort at Kirk Long.
“Our advantage is our size since we have Greg who is the tallest player in this league. We will utilize him as much as we can. Still we are a balance team since Greg is willing to pass the ball when being double teamed,” wika ni Black.
Bukod sa malakas na starting five, may mga bench players siyang puwedeng sandalan para maghatid ng depensa upang bigyan ng panandaliang pahinga ang kanyang mga starters.
Kung may isang pagbabago naman na nangyari sa FEU sa taong ito, ito ay ang pag-upo uli sa bench ni Bert Flores.
Si Flores ang coach ng koponan nang nagkampeon noong 2006 at naramdaman agad ang magandang epekto ng kanyang pagbabalik matapos kalusin ng Tamaraws ng dalawang sunod ang second seeds na Adamson.
“Narating namin ang Finals kahit marami kaming injured players. Kailangan lamang na maging positibo kami at nakikita ko sa mga mata ng mga players na may gusto silang patunayan,” wika ni Flores.
Sina RR Garcia, Terrence Romeo, Aldrech Ramos, Cris Tolomia at Russel Escoto ang mga aasahan niya para makuha ang mahalagang panalo at lumapit ng isang hakbang tungo sa paghablot ng ika-20 kampeonato sa liga.
- Latest
- Trending