JRU, Arellano pupukpok para sa huling semis slot
MANILA, Philippines - Iinit pa ang tagisan para sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four sa pagsalang ng mga koponang palaban pa sa nasabing puwesto sa second round ng 87th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Unang magtatagisan ang Jose Rizal University at host Perpetual Help ngayong alas-2 ng hapon bago sundan ang labanan ng Arellano at San Beda sa alas-4 at ang makukuhang panalo ay magpapalakas sa paghahabol sa huling puwesto sa semifinals.
Ang Heavy Bombers ay magbabalak na sungkitin ang ikaapat na sunod na panalo na magbibigay daan para masolo rin ang pagtangan sa mahalagang ikaapat na puwesto sa team standings.
May 6-9 baraha ang tropa ni coach Vergel Meneses at kasalo sa mahalagang puwesto ang Mapua at guest team Lyceum.
Ang Altas ang nangu-ngulelat sa 3-12 karta ngunit may kakayahan silang makapagbigay ng magandang laban sa Heavy Bombers dahil tinalo na nila ito sa unang pagkikita, 79-77.
Kung matalo ang Altas ay pormal na silang mamamaalam sa torneo at ito ang isa pang inspirasyon na magtutulak sa bataan ng Perpetual na itodo pa ang larong ipinakikita para makadalawa sa JRU.
Galing naman sa 89-77 panalo ang Chiefs sa Pirates sa huling laro at magagamit nila ang panalong ito para mapataas ang morale sa pagbangga sa Red Lions na puntirya naman ang masaluhan ang pahingang Knights sa ikalawang puwesto.
May 11-2 karta ang San Beda at sariwa sa pagdurog sa Mapua, 92-67, sa huling laro upang mapawi ang naunang 65-76 pagkatalo sa Jose Rizal.
Ang mga malalaking manlalaro na sina Kyle Pascual, Jake Pascual, David Marcelo ang sasan-dalan muli ni coach Frankie Lim para madomina ang rebounding na siya nilang ginawa sa huling laban.
“The past three games ay nasa 30 plus lamang ang rebounding namin. But for this game, balik 40 kami. For us to win the game, we have to really dominate the rebounding,” pahayag ni Lim sa kanyang Red Lions.
Si Andrian Celada, sariwa sa pagtala ng 29 puntos sa laro kontra sa Lyceum, ang mangunguna sa Arellano pero kailangang tumulong ang mga malalaking manlalaro sa koponan para mapigilan ang katapat sa pagkontrol sa boards.
- Latest
- Trending