Smart Gilas kumpiyansang mananalo sa Chinese-Taipei sa quarterfinals
WUHAN China – Natupad ang hinihiling ng Smart Gilas Pilipinas na makatagpo ang Chinese-Taipei sa quarterfinal stage ng 26th FIBA-Asia Men’s Championships dito.
Nakatakdang magsagupa ang mga Nationals at mga Taiwanese ngayong alas-6 ng gabi para sa tsansang makapasok sa semifinals ng nasabing Olympic qualifying meet na magtataya ng isang tiket para sa 2012 London Olympic Games.
Tumapos ang Smart Gilas na may 4-1 rekord para makuha ang No. 2 position sa Group F, habang may 3-2 baraha naman ang Taiwan sa Group E.
Dinomina ng Nationals ang Taiwanese sa kanilang huling apat na pagtatagpo, kasama na ang dalawa sa nakaraang Jones Cup basketball tournament mula sa kanilang average margin na 11.0 points.
Pinayukod ng Smart Gilas ang Taiwan, 82-72, para sa bronze medal ng Jones Cup.
Sa kanila namang kasaysayan, iginupo ng mga Pinoy ang mga Taiwanese para sa kampeonato noong 1960 at 1963.
“Chinese-Taipei is a very dangerous team,” sabi ni Serbian coach Rajko Toroman. “You’ll never know what will be going on with Chinese-Taipei. “If their outside players started to shoot the ball well, we’ll be in trouble.”
Ang tinutukoy ni Toroman ay sina star player Lin Chih-chieh at inside banger Wen-Ting Tseng, kapwa naglalaro sa Chinese Basketball Association (CBA).
Ang 29-anyos na si Lin, tinapos ang kanyang two-year contract sa CBA team na Zheijang Lions na nagpapirma sa kanya noong 2009 mula sa monthly salary ng $15,000 (halos P630,000), ang kamador ng Taiwan.
Naniniwala naman si Toroman na kaya nilang pigilan si Lin katulad ng kanilang paglimita kay Japanese shooter Takuya Kawamura na may 12 points mula sa kanyang 3-of-11 shooting sa 83-76 tagumpay ng Smart Gilas.
“This is the reason why I’m optimistic, although the most important thing now is still the quarterfinals,” sabi ng 52-anyos na si Toroman.
Si Fil-Am guard Marcio Lassiter ang inaasahang magbabantay kay Lin.
“It’s good that we’ll be well rested going to the game. I definitely look forward to that,” sabi ng 23-anyos na si Lassiter.
“It’s not gonna be easy. We played them before in the Jones Cup twice, and we played it like it was our last game,” dagdag nito.
- Latest
- Trending