Hawks dumiretso sa 12 dikit na panalo
MANILA, Philippines - Ipinagpatuloy ng nagdedepensang University of Manila ang kanilang pananalasa matapos biktimahin ang Informatics, 76-71 at ilista ang kanilang ika-12th sunod na panalo sa pagbabalik aksyon ng NAASCU men’s basketball tournament sa Makati Coliseum kahapon.
Bumandera si Eugene Torres sa opensa ng league-leading Hawks sa kanyang tinapos na 22 puntos na sinundan ng 15 puntos ni Jeff Alvin Viernes.
Ang panalong ito ng Sampaloc-based dribblers ay sapat na upang lalo pang mapasolido ang kanilang pag-okupa sa itaas ng standing taglay ang 12-1 win-loss slate sa ligang ito na inorganisa ni Dr. Ernesto ‘Jay’ Adalem ng host school St. Clare-Caloocan.
Binalikat naman nina Mark Montuano at Jiovani Jalolon ang Icons sa tinapos na 19 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa isa pang senior game, pinayuko ng Our Lady Of Fatima University ang AMA Computer University, 78-70.
Samantala, bumangon naman ang junior counter part ng AMA matapos na igupo ang STI, 80-66 sa junior division.
- Latest
- Trending