MANILA, Philippines - Naglabas ang world No. 1 na si Dennis Orcollo ng Pilipinas nang mahusay na pagtumbok upang bumangon at ipanalo ang final na tatlong racks at talunin si Mika Immonen ng Finland, 10-8 para angkinin ang 11th Predator International 10-Ball Championship nitong Linggo ng gabi sa Robinson’s Galleria sa Ortigas.
Ibinulsa rin ni Orcollo ang $10,000 top prize at eleganteng Predator trophy at ang mas importante sa panalong ito ng reigning World 8-Ball champion ay ang maisubi niya ang kanyang unang international tournament dito sa Manila.
“It’s a great tournament, really hard,” sabi ni Orcollo.
“I am so happy to win this tournament.This is my first international tournament title here in Manila,” dagdag pa ni Orcollo, na nanalo rin sa 9th Predator International 10-Ball Championship dalawang taon na ang nakakaraan sa Las Vegas, Nevada matapos igupo si Ralf Souquet ng Germany, 8-3.
Nakuntento naman si Immonen sa runner-up prize na $5,000.
Nauna rito, ginapi ni Orcollo si Wu Jia Qing ng China, 10-5 sa semis at itakda ang kanilang titular showdown ni Immonen na pinabagsak naman si Lui Haitao ng China, 10-9 sa isa pang semifinal match.