Pinoy boxers handang-handa na sa World C'ships
MANILA, Philippines - Handang-handa na ang anim na Pambansang boksingero ng Pilipinas na ilalaban sa 2011 AIBA World Boxing Championships sa Baku, Azerbaijan.
Ang magtatangkang bigyan ng karangalan ang bansa sa prestihiyosong torneong ito ay sina flyweight Rey Saludar, light flyweight Mark Anthony Barriga, bantamweight Joan Tipon, lightweight Charly Suarez, light welterweight Rolando Tacuyan at welterweight Delfin Boholst.
Lahat ng mga ito ay dumaan sa masinsinang pagsasanay na kinatampukan pa ng training sa Great Britain na nangyari kamakailan lamang.
Ang World Championships ay itinalaga din ng AIBA bilang isang London Olympics qualifying event at ang mga boksingero na uusad sa semifinals ay magkakaroon na ng puwesto sa 2012 Games.
Ang mga mabibigay na Asian boxers ay magkakaroon pa ng huling pagkakataon na maipasok ang sarili sa Olympics sa isasagawang Asian Qualifying sa 2012 sa Kazakhstan. Pero mas mahirap ang asam na Olympic slot dahil ang finalist lamang ng bawat dibisyon ang siyang aabante sa London.
Si Saludar ang siyang pinakapambato ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) dahil siya ay gold medalist sa 2010 Guangzhou Asian Games.
- Latest
- Trending