MANILA, Philippines - Kung hindi babawasan ang bilang ng atletang hinihingi, nakikita ni Go Teng Kok ang kakayahan manalo ng hanggang 10 ginto ang ilalabang mga manlalaro sa 26th SEA Games sa Indonesia.
Tumaas mula sa naunang inasinta na pitong ginto ang inaasahan ng PATAFA base sa mga datos na hawak mula sa mga nilahukang kompetisyon sa labas ng bansa.
Ang mga gold medalist noong 2009 na sina Arniel Ferrera sa men’s hammer throw, Marestella Torres sa women’s long jump, Rene Herrera sa 3000m steeplechase, Eduardo Buenavista at Jho-An Banayag sa marathon at Danilo Fresnido at Rosie Villarito sa javelin throw ay inaasahang madodominang muli sa kanilang paboritong events sa 2011 SEA Games sa Nobyembre.
“Base sa performance sa mga international tournaments na sinalihan ng mga atleta, palaban din tayo sa gold sa men’s 4x400m, men’s 400m hurdles at men’s long jump. Ang track and field ay measureable sport kaya makikita ko talaga kung saan may chance sa medal,” wika ni Go.
Ngunit posibleng hindi mangyari ang inaasam dahil pumalo lamang sa 15 ang atletang pinahintulutan ng POC working committee na siyang nagsasala ng manlalarong ipadadala sa torneo.
May 409 na ang pinahintulutan ng POC para mapabilang sa delegasyon at ang 15 tracksters ay mula sa 44 na ipinatala ng PATAFA.
Naniniwala si Go na may kinalaman ang ginawang aksyong ito ng POC sa alitan niya at ng pangulong si Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. na nagresulta upang matanggal siya bilang kasapi ng NOC.
“Kung galit sila sa akin, ako na lang ang parusahan nila, hindi ang mga atleta,” ani Go kay Cojuangco.