MANILA, Philippines - Dinomina ni Treat Huey si Jimmy Wang upang mapawi ang kabiguang nalasap ni Cecil Mamiit at magtabla ang Pilipinas at Chinese Taipei matapos ang dalawang opening singles sa pagbubukas ng Asian Oceania Zone Davis Cup Group I relegation tie kahapon sa Plantation Bay Resorts at Spa sa Lapu Lapu City.
May ranking na 901 sa mundo, ang number one netter ng Pilipinas ay nagmalakas ng malalakas na serves at matitinding returns upang kunin ang 6-4, 6-4, 6-3, tagumpay laban kay Wang sa labang tumagal lamang ng dalawa’t-kalahating oras.
“I had to come out and play well and tie the game at 1-1. I’m really happy to tie and play doubles tomorrow,” wika ni Huey.
Bago ito ay nakuha ng bisitang Taiwanese team ang 1-0 kalamangan nang mangibabaw si Ti Chen laban kay Mamiit sa apat na sets, 6-7(2), 6-2, 7-6(6), 6-3, sa unang tagisan.
Dahil sa pangyayari, mahalaga ang doubles match ngayong ika-12 ng tanghali dahil ang mananalo ang siyang lalapit ng isang panalo para makuha ang tie at manatili sa Group I sa 2012.
Naunang dinomina sa doubles ng Pilipinas sina Ruben Gonzales at Jeson Patrombon laban kina Want at Chu Huan Yi.
Pero may karapatan ang magkabilang koponan na magpalit ng manlalaro isang oras bago ang takdang laban.
“Chinese Taipei has strong doubles players. We’re keeping it as a surprise, anyone of us four can actually play the doubles,:” wika naman ni team captain Mamiit sa kung sino ang kanyang ilalaban ng bansa sa mahalagang tagisan.
Ang reversed singles ay gagawin sa Linggo at ang posibleng panalo sa tie ay paglalabanan nina Huey at Chen sa unang laban sa ganap na alas-10 ng umaga.