Reyes , 4 pa umusad; Bustamante bigo
MANILA, Philippines - Muling ipinamalas ni Efren ‘Bata’ Reyes ang kanyang mahika upang matakasan ang American na si Jayson Shaw, 9-6 at maningning na buksan ang kanyang kampanya para sa korona sa pagbubukas ng 11th Predator International 10-Ball Championship kahapon sa Robinson’s Galleria sa Ortigas.
Nakakuha si Reyes, nagwagi noong nakaraang taon sa Manila, ng bye sa first round ng weeklong tournament na may nakalaang $10,000 sa magka-kampeon.
Umagaw rin ng eksena sina Ronato ‘Volcano’ Alcano, Ramil ‘Bebeng’ Gallego at ang batang bilyarista na si RJ Bautista matapos talunin ang kani-kanilang kalaban.
Walang hirap na nagwagi si Alcano sa kalabang si Reda Belhaj sa pamamagitan ng default bago naungusan si Johann Chua, 9-8; tinalo ni Gallego ang kababayang si Lee Van Corteza, 9-6 at si Jericho Banares, 9-5, habang gumawa ng upset si Bautista nang kanyang payukurin ang American na si Max Eberle, 9-6.
Niyanig ni Jundel Mazon ang world Bo. 9 champion na si Francisco ‘Django’ Bustamante, 9-3 upang isaayos ang kanilang second showdown ni Bautista.
- Latest
- Trending