Baste iniligwak ang Cardinals
MANILA, Philippines - Sinandalan ng San Sebastian ang husay ng kanilang pambatong sina Calvin Abueva, Ronald Pascual at Ian Sangalang upang malusutan naman ang Mapua, 72-69, sa pagpapatuloy ng 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Gumawa ng mahalagang tres si Abueva, may steal at isang free throw si Sangalang habang dalawang buslo sa 15-foot line ang ginawa naman ni Pascual upang pawiin ng Stags ang pagtangan ng Cardinals ng 67-66 bentahe may 1:26 sa orasan.
May 26 puntos at 16 rebounds si Abueva habang 21 naman ang ibinigay ni Pascual para pangunahan ang paghablot ng ika-15 sunod na panalo ng Stags at mapantayan ang pinakamahabang winning streak ng koponan na nangyari noong Season 85 na kung saan hinirang ding kampeon ang koponan.
Tumapos naman taglay ang career high na 31 puntos si Josan Nimes ngunit tatlong puntos lamang ang kanyang ginawa sa huling yugto.
Nagkaroon sana siyang makabawi sa pagbagsak sa pagpuntos nang maispatan ang libreng si Yousef Taha may apat na segundo sa orasan.
Ngunit dumulas ang bola sa kamay ni Taha, na siyang nagbigay ng 67-66 bentahe sa kanyang 3-point play, upang hindi makagawa ng attempt ang Cardinals at malaglag sa 6-8 baraha.
Tinapos naman ng Arellano ang tatlong sunod na kabiguan gamit ang 89-77 panalo sa Lyceum at makadikit sa mga palaban para sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four sa 5-10 baraha.
May anim na tres si Andrian Celada tungo sa 29 puntos para tulungan ang Chiefs na ipatikim sa Pirates ang ikaapat na sunod na kabiguan tungo sa 5-9 baraha.
- Latest
- Trending