MANILA, Philippines - Selyuhan ang ikatlong puwesto sa Final Four ang balak ng San Beda habang lumapit naman sa number one seeding ang pakay ng San Sebastian sa pagpapatuloy ng aksyon sa 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Magbabalik sa aksyon ang nagdedepensang Red Lions mula sa 12-araw na pamamahinga sa pagharap sa inspiradong Jose Rizal University na magsisimula matapos ang bakbakan ng Stags at host Perpetual Help sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ika-14 sunod na panalo ang nakataya sa Stags kung manalo sa Altas at hindi malayong totodo ang tropa ni coach Topex Robinson matapos niyang punahin ang kalawang ng killer instinct ng kanyang bataan.
Huling nanalo ang Stags sa St. Benilde, 86-70, na kung saan hindi naging masaya si Robinson sa ipinakita ng kanyang bataan na dapat ay nanalo ng mas malaki kung di lamang nagkalat dahil sa sobrang kumpiyansa.
“We’re using these games as our preparation for bigger games but I still couldn’t see the killer instinct. We just can’t be satisfied because we can still play a lot better,” wika ni Robinson.
Sina Calvin Abueva, Ronald Pascual at Ian Sangalang ang mga kakamada uli sa koponan ngunit isang bagay na dapat nilang gawin ay limitahan ang mga errors na maaring makadanyos sa koponan kapag nakaharap ang mga mas malalakas na team sa liga.
Samantala, ika-11 panalo na magbibigay ng puwesto sa semifinals ang nakaumang naman sa tropa ni coach Frankie Lim kapag nanalo sa JR.
Patok ang Lions sa katunggali matapos kunin ang 77-69 tagumpay sa unang pagtutuos ngunit hindi naman puwedeng basta-basta isantabi ang lakas na makapanggulat ang tropa ni coach Vergel Meneses.
Manggagaling ang Heavy Bombers sa 79-69 panalo sa Arellano nitong Lunes para tapusin ang apat na sunod na kabiguan at buhayin pa ang paghahabol sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four.
Sina Jeckster Apinan, John Lopez at Byron VIllarias ang mga magtutulung-tulong para maigupo ng JRU ang malakas na puwersa ng Lions sa pamumuno nina Garvo Lanete, Kyle Pascual at David Marcelo.