MANILA, Philippines - Binigyan ni Laos SEA Games gold medalist Nathaniel “Tac” Padilla ang sarili ng magandang momentum patungo sa 26th SEAG nang kunin ang pilak na medalya sa idinaos na South East Asian Shooting Association (SEASA) championships sa Vientiane, Laos kamakailan.
Humataw si Padilla sa final series upang makuha ang karapatan na labanan ang Guangzhou Asian Games silver medalist ng Vietnam na si Ha Minh Thanh.
Ngunit kinapos si Padilla na naunang gumawa ng 563 puntos sa first stage para malagay sa ikalimang puwesto, at nakontento lamang sa pilak kulang ng dalawang puntos sa nag-gintong si Thanh sa rapid fire event.
“Lamang pa ako ng isa sa last shot ng finals series. Pero ganon talaga dikit ang laban at kahit sino sa amin ay maaaring manalo ng ginto,” wika ni Padilla na general manager din ng Spring Cooking Oil.
Isang five-time SEA Games champion sa rapid fire pistol, kontento si Padilla sa nagawa dahil may sapat pang panahon siya upang mas mapaganda ang pagputok bago ang aktuwal na SEA Games sa Nobyembre.
Ang pilak ni Padilla ang ikalawang nakuha ng delegasyon matapos ibigay ng 15-anyos Jayson Gonzales ang ganitong medalya sa men’s air rifle.
Si Therese Gutierrez na tulad ni Valdez ay kabilang sa National Youth Development Program na pinasimulan ni Padilla ay naghatid naman ng bronze medal sa ladies prone rifle event.
Tiwala naman si national coach Bartolome Teyab na aani ng ginto ang koponan sa SEA Games dahil sa ipinakita ng mga inilaban sa nasabing torneo.