Romi Garduce aakyatin ang Seven Summits sa Disyembre
MANILA, Philippines - Mula sa matagumpay na pag-akyat sa Carstensz Pyramid noong Hulyo, ang pinakamataas na bundok sa Australasia region, isang hakbang na lang at makakamit na ni Filipino mountaineer Romeo ‘Romi’ Garduce ang Seven Summits record.
Ito ay ang pag-akyat sa pitong pinakamatataas na bundok sa pintong kontinente sa mundo.
Ngayong Disyembre ay nakatakdang akyatin ni Romi ang pinakamataas na bundok sa Antarctica.
Ito ay ang Mt. Vinson Massif na may taas na 16,067 feet. Ito ang pinakahuling bundok sa listahan ni Romi ng Seven Summits list . Kaya siya ang pinakamalakas na pambato ng Pilipinas na makakapag-uwi ng nasabing mountaineering feat.
Nagsimula ang pamumundok ni Romi nang sumali siya sa UP Mountaineering Club noong kolehiyo.
Nagpamalas siya ng world-class vigor sa pag-akyat sa pito sa walong pinakamatataas na bundok sa pitong kontinente.
Ang mga ito ay ang Mt. Kilimanjaro sa Africa (Setyembre 2002); Mt. Aconcagua sa Argentina (Enero 2005); Mt. Everest sa Nepal (Mayo 2006); Mt. Elbrus sa Russia (Agosto 2007); Mt. McKinley o Denali Peak sa North America (Hunyo 2008); Mt. Kosciuszko sa Australia (Disyembre 2008); at kamakailan lang ay ang Mt. Carstensz Pyramid sa Indonesia (Hulyo 2011).
Sa pag-akyat sa mga nasabing bundok, isa na lang ang nalalabi kay Romi – ang mapanghamong Vinson Massif, kung saan umaabot sa negatibo ang temperatura. Ito na marahil ang pinakamalaking hamon ni Romi matapos ang Mt. Everest.
Noong 2007, nagsimula si Romi bilang isa sa mga original host ng pioneering wildlife at environmental show na Born to be Wild, umeere tuwing Wednesdays late night sa GMA-7.
- Latest
- Trending