MANILA, Philippines - Palalakasin pa ng apat na nangungulelat na koponan ang paghahabol sa Final Four sa second round ng 87th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan.
Mangunguna sa mga maglalaban-laban ang host Perpetual Help na balak na makagawa ng kanilang kauna-unahang back-to-back wins sa pagharap sa Emilio Aguinaldo College ngayong alas-4 ng hapon.
Mag-uunahan naman ang Arellano at Jose Rizal University na tapusin ang kanilang losing streaks sa pagkikita sa unang tagisan sa alas--11:45 ng tanghali.
Nasa ikapitong puwesto ang Chiefs sa kanilang 4-9 karta, habang ang Heavy Bombers at Generals ay magkasalo sa 3-9 at nangungulelat naman ang Altas sa kanilang 3-10 baraha.
Pero ang mga koponang ito ay pawang palaban pa sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four dahil ang Mapua na siyang umookupa sa mahalagang puwesto ay mayroon pa lamang anim na panalo sa 13 laro.
Ang Altas ay papasok sa bakbakan mula sa isang 78-73 panalo laban sa Lyceum noong Setyembre 5.
“Gusto ko na nakikita ko sa kanila na nagtutulungan at lumalaban. Kaya ang credit sa mga nakuha naming panalo ay dahil sa mga players,” wika ni Perpetual rookie coach Jimwell Gican.
Binibigyan ang Altas ng tsansa na manalo sa Generals na mayroong limang sunod na kabiguan upang masayang ang naunang itinayong 3-4 karta.
Sina Jet Vidal, Justine Alano at Anthony Paulino ang mga magtutulung-tulong muli para sa Perpetual, habang sina Jan Jamon, Joshua Torralba at Claude Cubo ang babalikat sa laban ng EAC.
May dalawang sunod na kabiguan naman ang Chiefs na papasok sa laban kontra sa Heavy Bombers na talunan sa kanilang huling apat na laro.
Napahinga ng anim na araw ang Arellano matapos lasapin ang 64-66 kabiguan sa St. Benilde at inaasahang ginamit ng koponan ang bakasyon para mas mapaghandaan ang Jose Rizal, natalo sa San Sebastian College, 78-59, sa kanilang huling asignatura.
Dala ng Stags ng 13-0 rekord kasunod ang Knights (12-1) at Red Lions (10-1).