MANILA, Philippines - Kagaya nina Filipino pool greats Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante, dumanas rin ng kamalasan sina Dennis Orcollo at Ronnie Alcano sa 2011 World Cup of Pool.
Nakalasap sina Orcollo at Alcano ng isang 8-9 kabiguan sa magkapatid na Ko Pin-yi at Ko Ping-chung ng Chinese-Taipei sa quarterfinal round noong Sabado ng gabi sa Block Atrium sa SM North Avenue sa Quezon City.
Kinuha nina Orcollo, natalo kay Ralf Souquet ng Germany sa finals ng nakaraang World Pool masters, at Alcano ang isang 5-1 kalamangan laban sa mga bagitong sina Pin-yi at Ping-chung.
Subalit sa kanila ng kanilang edad na 15 at 22-anyos, hindi bumigay ang mag-utol na Ko.
Inagaw nina Pin-yi at Ping-chung ang 7-5 bentahe nang sikwatin ang sumunod na pitong racks papunta sa 8-6 abante.
Inubos naman nina Orcollo at Alcano ang dalawang lamesa upang itabla ang laro sa 8-8.
Ngunit ang pagkakamali ni Alcano sa No. 8 ball sa deciding rack ang tuluyan nang nagpanalo sa mga Taiwanese.
Makaaran namang biguin sina Orcollo at Alcano, yumukod sina Pin-yi at Ping-chung kina Nitiwat Kanjanasri at Kobkit Palajin ng Thailand, 3-9, sa semifinals kahapon.
Nakatakdang sagupain nina Kanjanasri at Palajin sa finals kagabi sina Souquet at Thorsten Hohmann ng Germany, sumibak kina Lee Gun Jae at Hwang Yong ng Korea, 9-7, sa semis.
Tinalo nina Souquet at Hohmann sina Reyes at Bustamante, nagkampeon sa torneo noong 2002 at 2009, 9-1, sa Last Eight.