Pinoy paddlers bronze sa Korea
MANILA, Philippines - Nagbigay uli ng karangalan ang larong dragon boat nang manalo ng bronze medal ang Philippine Sag-1 Dragon Boat team sa idinaos na 2nd Korea Open Busan International Dragon Boat Regatta sa Busan, Korea.
Umabot sa 15 bansa ang nagtagisan sa torneo mula Setyembre 1 hanggang 5 at ang koponang kumatawan sa Pilipinas ay tumapos sa ikatlong puwesto kasunod ng British-Singapore at Macau sa 500m mixed event nang makapagtala ng 2:12 bilis sa finals.
“Mas malalaki ang mga nakalaban namin at talagang matatakot ka. Pero nang sumampa na kami sa bangka iba na ang spirit namin, team na kami ng Pilipinas at wala na kaming inisip kundi ang ibigay ang lahat. Patay kung patay para sa medalya,” wika ni team skipper Jovel Versoza nang pormal na ipinakilala ang koponan kahapon na ginawa sa Golden Café Healthy Shot sa SM Centerpoint, Sta. Mesa, Manila.
Maliban sa 500m mixed ay pumasok din ang koponan sa finals ng women’s 200m at 500m at sa 2000m race.
Nagkaroon ng pagkakataon na manalo pa ng medalya ang koponan sa 2000m pero minalas na nabangga sila ng dalawang nakatunggali. Walang ibinigay na penalty ang organizers sa nakabangga kaya’t naglaho ang sana’y isa pang medalya.
Ang mga kasapi ng koponan ay dating miyembro ng Philippine Canoe-Kayak Federation na siya ngayong kinikilala ng Philippine Olympic Committee na may sakop sa larong dragon boat.
- Latest
- Trending





















