Top three sa 2011 SEA games ang prediksyon ni PSC Chairman Garcia
MANILA, Philippines - Bagamat inaasahan na ang labanan ng Thailand, Indonesia at Vietnam para sa overall championship, kumpiyansa pa rin si Philippines Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia na makakasingit sa Top Three ang mga Pinoy sa darating na 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Ito ang sinabi kahapon ni Garcia sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
“I did not say that we will be first, second or third. But definitely we will try to improve on our last performance in Laos and even the one in Thailand,” wika ni Garcia.
Matapos hirangin bilang overall champion noong 2005 SEA Games mula sa nahakot na 113 gold, 84 silver at 94 bronze medals, nahulog na sa overall standings ang Team Philippines.
Sa Laos noong 2009, nalaglag sa pagiging No. 5 ang bansa sa nakuhang 38 gold, 35 silver at 51 bronze medals.
“Definitely, the set up in Laos was the worst ever. I’ve never experienced going to the SEA Games with two different groups, with two different set on uniforms,” ani Garcia sa naging away nina dating PSC chairman Harry Angping at Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. “And so I promise for it never to happen again, not in our watch, and hopefully, not in the future.”
Isang puwesto ang iniakyat ng bansa matapos mahulog sa No. 6 (41-91-96) sa Thailand noong 2007.
Kamakailan ay inihayag ni deputy Chef De Mission Julian Camacho na lalaban ang mga Pinoy para sa overall championship ng 2011 SEA Games.
Ito ay kung makakasikwat ng tig-dalawang gold medals ang mga National Sports Associations (NSAs) mula sa lalahukang 42 events.
Ngunit kinontra naman ito ni Philippine Olympic Committee (POC) chairman Monico Puentevella sa pagsasabing ang Thailand, Indonesia at Vietnam ang inaasahang maglalaban para sa titulo ng 2011 SEA Games.
- Latest
- Trending