MANILA, Philippines - Binigyan ng pagkilala ng mga kumumober sa 74th UAAP ang mahusay na ipinakita ni Jeric Teng nang ang gunner ng UST ang pinarangalan bilang ACCEL/3XVI UAAP Press Corps Player of the Week.
Ibinigay ni Teng ang puntos na hanap ng Tigers nang napag-iwanan ng 17 puntos sa first half upang makumpleto ang 74-58 panalo laban sa Adamson noong Sabado.
Isa lamang sa kabuuang 20 na ginawa sa laro ang ibinagsak ni Teng sa second half at ang mga matitinding tres ang siyang nakatulong para tuluyang makaahon ang UST at manatiling matibay pa ang paghahabol sa puwesto sa Final Four.
“Taglay pa rin niya ang momentum dala ng mga magagandang laro sa mga huling laban namin,” wika ni UST coach Alfredo Jarencio.
Tatlong tres ang ginawa ni Teng sa second half para maisulong ang winning streak sa tatlo patungo sa pumapang apat na 7-5 baraha.
Kailangan na lamang ng Tigers na maipanalo ang isa sa nalalabing dalawang laro para opisyal na makapasok sa Final Four na huli nilang naabot dalawang season na ang nakararaan.
“Ginagawa ko lamang ang lahat para matulungan ang team. Hindi lamang naman ako ang naaasahan dahil naririyan din sina Karim Abdul, Chris Camus at Jeric Fortuna,” wika ni Teng, anak ng dating PBA defensive player na si Alvin ‘Robocop’ Teng.
May 8 rebounds at 6 assists pa si Teng para katampukan ang pagiging pinakamahusay na manlalaro.