MANILA, Philippines - Hindi na nagpaawat si five-time champion Ralf Souquet ng Germany sa pag-agaw ng korona kay Dennis Orcollo.
Pinayukod ni Souquet si Orcollo, 8-5, sa finals ng 19th Party Poker.net World Pool Masters kagabi sa The Block Atrium sa SM North Edsa.
Nakatabla si Souquet sa 3-3 at sa 5-5 hanggang kunin ang sumunod na dalawang laro upang alisan ng pag-asa si Orcollo patungo sa pagbulsa sa premyong $20,000 o halos P300,000.
Binigo muna ni Souquet sa semis si Englishman Darren Appleton, 8-7, matapos bumangon mula sa isang 2-6 pagkakabaon.
Bago naman sagupain si Souquet, giniba ni Orcollo si Fu Jian Bo ng China, 8-4, sa semifinal round.
Ang isang scratch ni Fu, dinomina si Orcollo sa nakaraang China Open at Challenge of Champion, sa 12th frame ang nagbigay ng pagkakataon sa tubong Bislig, Surigao del Sur na ubusin ang mga bola sa lamesa.
Nauna nang pinadapa ni Orcollo si Tony Drago ng Malta, 8-2, at Chang Jung-lin ng Taiwan, 8-1, para sa kanilang semis showdown ni Fu.
Matapos ang World Pool Masters, pakakawalan naman ng Solar Sports at Matchroom Sports ang 2011 World Cup of Pool simula ngayong araw.