MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang paghihirap ng beach volley teams ng host University of Perpetual Help System Dalta nang manalo sila sa women’s division at pumangalawa sa men’s at juniors divison sa pagtatapos ng 87th NCAA beach volley sa La Salle Greenhills sand court.
Sina Norie Jane Diaz at April Anne Sartin ang nagtuwang upang maibigay sa UPHSD ang ikatlong sunod na women’s title nang daigin sina Gena Keeshia Andaya at Marinelle Jane Carolino ng Letran sa tatlong sets, 21-18, 18-21, 15-12.
Kinailangang magpakita ng tibay ng dibdib ang Lady Atlas dahil naunang lumayo sa 5-0 sa ikatlong sets ang Lady Knights upang maibulsa ang titulo.
Umabot rin sa third sets ang laro sa juniors class ngunit bumigay sina Kin Harold Dayadante, Jherald Martinez at Chris Soriano kina Jopet Movido, Jerrus Moya at Denzen Rasing ng Emilio Aguinaldo tungo sa 21-19, 15-21, 10-15 kabiguan at kumawala ang hangad sanang ikalawang sunod na titulo.
Sina Jayb dela Cruz, Marcelo Joaquin at Sandy Domenick Montero ay natalo naman sa Arellano na binuo nina Jophius Christian Banang, John Carlo Lozada at Chris Salvador, 13-21, 18-21.
“We’re very happy and proud with our accomplishment,” sabi ni NCAA League President at Policy Board chairman Anthony Tamayo.